DOHA 09 Agosto 2024 — Malugod na iniimbitahan ng Kagawaran ng Ugnayang Panlabas (DFA) at ng Pambansang Komisyon ng Pilipinas para sa UNESCO (UNACOM) ang lahat sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa ngayong Agosto.
Nakikiisa ang DFA at UNACOM sa Komisyon sa Wikang Filipino sa paggunita ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Filipino, Wikang Mapagpalaya”. Kilalanin natin ang mahalagang tungkulin ng wika sa pag-uunawa at pakikiisa sa diwa at damdamin ng bawat isa na siyang makapagbibigay daan sa malayang pagpapahayag at pagtatagumpay ng sambayanan.
Bawat salita at kuwentong ibinabahagi natin sa isa’t isa ay naglalaman ng ating diwa at damdamin; bilang koleksyon ng mga salita at kuwento ng mamamayan, ang wika ay may kakayahang kumatawan sa ating kasaysayan, kultura, pagpapahalaga, at paniniwala.
Sa buwang ito, nais ng DFA at UNACOM na itampok ng ilang tanyag na mga makatang sumusulat sa wikang Tagalog, Bicol, Kapampangan, at Cebuano, upang ipakilala ang angking galing ng Pilipinong manunulat at ang kariktan ng iba’t ibang wika ng Pilipinas.
Iniimbitahan rin ang lahat na palayain ang isip at diwa sa pamamagitan ng pagsulat ng sariling tula at mensahe gamit ang ating wikang pambansa o isa sa higit isang daang wika sa bansa. Ibahagi sa Social Media at gamitin ang mga hashtag: #MapagpalayangDFA #DFASumusulong #BuwanngWikangPambansa2024
Mabuhay ang Wikang Pilipino!
Antabayanan ang mga susunod na paskil sa dohape.dfa.gov.ph, facebook.com/PHinQatar, o instagram.com/phinqatar.